Mas ninais ko na isulat ang aking kaisipan sa sariling kong wika para sa Araw Ng Mga Manggagawa. Ipag paumanhin kung hindi ko ginamit ngayon ang wikang Ingles.
Katulad ng taunang selebrasyon ng Mayo Uno, may mga pag titipon sa kalsada ang mga organisasyon na layuning ipa-abot sa gobyerno ang hinaing ng manggagawang Pilipino. Aaminin ko na hindi na ako gaano nakaka kuha ng balita tungkol sa mga ganitong usapin ngunit alam ko na isa sa mga pangunahing hinaing ng isang manggagawang Pilipino ay ang pag taas ng “minimum wage”. Taas ng suweldo…pag taas ng antas ng pamumuhay ng isang ordinaryong manggagawang Pilipino.
Kanina ay nasa benefits section ako at may isang kinatawan ng “payroll” ang nanduon. Sa pag uusap ay naitanong ko sa kanya kung mag-kano na ang minimum wage ngayon. Ang sagot nila ay apat na daan mahigit sa isang araw. Sa ngayon ay dinagdagan na daw ng anim na pung piso (P60). Humigit kumulang tumatakbo ng siyam na libo hanggang sampung libo tuwing buwan. Kung ito ang iyong kinikita, kaibigan, nangangahulugan ng humigit kumulang Apat na libo mahigit ang kita mo sa kalahating buwan, bawasan ng Tax, SSS, Philhealth at iba pang banepisyo. Humigit kumulang Apat na libo kinsenas. Nag babayad ka ng renta sa bahay, kung may anak ka na nag aaral, pag kain araw-araw, tubig, kuryente. Kakasya kaya??!! Sinabi ng isa kong kasama sa trabaho, hindi kasya iyon. Ang pinag uusapan natin ay malaking kumpanya. Paano ang mga maliit na negosyo na lingguhan ang pasuweldo. Mababa sa minimum ang karaniwang pasahod sa kanilang manggagawa.
Nang sinabi sa akin ang “minimum wage” ngayon, nagulat ako.. Mag kahalong lungkot at inis. Nagulat dahil taong 1986 ako ay empleyada ng isang malaking construction company. Ang kompanyang ito ay kasama sa sampung pinakamalaking construction company sa Pilipinas ng panahong iyon. Ngunit ang sahod ko noon ay Pitong Libo. Ang kinagulat ko, mula 1980s hanggang ngayon ng 2009, Tatlong Libo lang ang inabante ng pasahod sa ordinaryong mang-gagawa? Lungkot para sa isang ordinaryong manggagawa. Inis dahil kapag pinakinggan ang mga panayam sa gobyerno tungkol sa ating ekonomiya, sinasabing tayo ay paunlad. Anong taon ba iyon ng sinabing ang Pilipinas ay “Tiger Of Asia?”
Sa positibong anggulo—nag pasalamat ako sa ating Ama dahil masuwerte ako. Sa katotohanan, isa ang call center sa malalaking mag pasuweldo dito sa ating bayan. Ngunit ang aking sinusulat ay hindi ako o ang mga kapatid ko sa industriya. Ang sulating ito ay para sa ang ordinaryong manggagawa. Ang mga manggagawa na hindi makaalis sa “minimum wage” . Paano sila? Ang mahirap ay lalong nag hihirap. Alisin natin sa usapan ang mga tamad at ayaw mag pagal. Ang malungkot ay ang iilang tao na nagsisikap, nag papagal, tinataya ang pawis at dugo upang itawid ang pamilya. Paano naman sila?
Sa aking opinion, isa ang sukatan kung umuusad ang isang bansa pang –ekonomiya. Tumingin tayo sa antas ng pamumuhay ng mga ordinaryong mamamayan. Paano ipag mamalaki na paunlad ang bayan kung mas marami ang mahirap at nag hihikahos kung ikukumpara sa nakakariwasa.
Ipag paumanhin ngunit minsan ay mahirap basahin ang iba nating politiko.. Hindi ko alam kung wala talaga silang nalalaman sa totoong sitwasyon ng kanilang bayan o pikit-mata na lamang o wala lang talagang paki-alam.
Isang opinyon at pag susuri.
Sources Of Pictures:
2 comments:
Yeah, maswerte ka talaga kasi mataas ang sweldo mo, ngunit paano ang ibang minimum wage na may pamilya, mga anak na nag aaral. Yan din ang hinaing ng kapatid ko, 2 pa silang nagtatrabhong mag asawa pero di pa rin makaahon. Hay, buhay talaga..
hello dearie.. oo nga eh!! kahit lumalakad ako sa kalsada ng madaling araw, iniisip ko na lang ay ang kinikitang pera. praktikal na lang sa buhay. mahirap talaga eh!! pero tuloy-tuloy lang, makakaraos din iyan kahit maliit ang kinikita. wag lang susuko!!
Hope you are doing great.
Post a Comment